Sumulong sa Kadakilaan

Thursday, July 23, 2009

ANG MGA KRIMINAL

ANG MGA KRIMINAL
ni Mulong Sandoval

Naririto sila,
kasahan ng titig mula ulo hanggang paa.
Bumbunan ay helmet,
mga mata’y bala ng kanyon—
bola ng dolyar at piso—
kanila ang bungangang bihasang pumakakak
na bulak ang uwak
at uling ang tagak.
Sa bawat daliring punlo ang kuko,
tantuing pawis nati’t luha
ang ipinanghihinaw at ipinampapabango.

Damit nila ay hinabi
sa mga himaymay ng gutay na laman,
at kimpalkimpal na dugo
ang insinya’t burdang nakabudbod sa kwelyo at manggas,
lama’t dugo ng laksang anakpawis at kapanalig
na kanilang bineberdugo.
Gulong ng tanke ang ikinukubli ng suot nilang sapatos
na pinakintab sa mga butong pinulbos.
Sila ang kriminal,
Sila ang kriminal at di kailanman
Ang libong katawa’t hiningang ipinipiit nila’t pinupugto.


Naririto sila,
kasahan ng titig mula ulo hanggang paa.
Ilatag ang mga halimaw, ipaskil
sa lahat ng dingding, haligi, bubong at sahig
ng utak nati’t puso:
ilatag at ipaskil saanman
at kulapulan man ng mga kalburong galamay ng mga kriminal
ay huwag na huwag ipakatkay sa panahon
Ihaginit ang ating mga bibig:
sa mga opyo nilang balita,
puwit-basong proyekto ay itudla.
Bistayin ng sumpa ang kanilang bastyon.
Hayaang dugo’y sumulak
sa ating mga ugat,
maggubat sa apoy
ang ating mga bungo’t dibdib.
Ihabagat ang angaw nating braso, paalimbukayin, idaluyong—
angaw na brasong sa karampot na kriminal
ay magbubuwal, tatabon, lulunod.



Mayo 1977


ROMULO A. SANDOVAL
26 Hulyo 1950 -
8 Pebrero 1997

Makata ng Taon sa Talaang Ginto noong 1975, si Romulo A. Sandoval ay isa sa mga modernistang tinig ng mga anakpawis. Dalawang beses siyang nagwagi sa tula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature-- pangatlong gantimpala noong 1977 at unang gantimpala noong 1981. Pangahas sa wika at imahen, progresibo't makabayan sa diwa at gawa, si Mulong ay isang tunay na rebolusyonaryong makata.

Siya'y tubong Bauan, Batangas.