Buan ng Mayo ng taong 1898
Ang Tunay na Sampung Utos ng Dios
Una. Ibigin mo ang Dios at ang iyong puri ng lalo sa lahat ng bagay: ang Dios na siyang bukal ng boong katotohanan, katoiran at kalakasan; ang paghahangad ng puri ang siya lamang makapigil sa iyo sa pagbubulaan at makapipigil na huag kang suminsay sa daan ng katowiran at laging magtaglay ng kasipagan.
Ykalawa. Sambahin mo ang Dios sa kaparaang lalong minamarapat ng iyong bait at kalooban o konsiencia, palibhasa’y sa iyong konsiencia na sumisisi sa gawa mong masama at pumupuri sa magaling ay doon nangungusap ang iyong Dios.
Ykatlo. Dagdagan mong pilit ang talos ng isip at katutubong alam na ipinagkaloob ng Dios sa iyo sa pamamag-itan ng pag-aaral, at magsumakit ka ng ubos lakas sa gawang kinahihiligan ng iyong loob, na huag kang sisinsay kailan man sa daang magaling at katowiran, upang matipon sayo ang lalong maraming kagalingan at sa ganitong paraa’y makatulong ka sa ikasusulong ng lahat; ito nga’y siya mong pagkasunod sa pinatutungkol sa iyo ng Dios sa buhay na ito, at kun yao’y maganap mo ay magkakapuri ka at kun may puri ka na’y maitatanghal mo naman ang kapurihan ng iyong Dios.
Yka apat. Ibigin mo ang iyong Inang bayan nasa kaikalawa ng Dios at ng iyong puri at higit sa iyong sarili, sa pagka’t siya ang nakaisaisang Paraisong pinaglagyan sa iyo ng Dios sa buhay na ito; siya lamang ang pinaiikawan ng iyong lahi; na kaisa-isang mana mo sa iyong pinagnuno; at siya lamang inaasahan ng iyong angkan; dahil sa kanya’y nagtitikim ka ng kabuhayan, pagsinta at pag-aari; natatanawan mo ang katimawaan, kapurihan sa Dios
Ykalima. Pagpilitan mo ang katimawaan ng iyong bayan bago ang iyong sarili, at papaghariin mo sa kanya ang bait, ang katowiran at kasipagan; sa pagka’t kun tyimawa siya ay matitimawa rin ikaw at ang iyong kamag-anakan.
Ykaanim. Pagpilitan mo ang kasarinlan ng iyong bayan, sa pagka’t ikaw lamang ang tunay na makapagmamasakit sa kanyang ikasusulong at ikatatanghal, ang kanyang kasarinla’y siya mo naming kalayaan o kaluwagan, ang kanyang pagkasulong ang kayamanan mo sa lahat ng bagay at ang kanyang pagkatanghal ang siya mo naming sariling kabantugan at kabuhayang walang hangan.
Ykapito. Huwag mong kilalanin sa loob ng iyong bayan ang pangyarihan nino mang tawona hindi sa lagay ninyong magkakababayan, pagka’t ang boong kapangyariha’y sa Dios nagmumula at ang Dios ay sa konsiencia ng bawa’t isa nangungusap; kaya’t ang tawong ituro at ihalal ng mga konsiencia ng sangkabayanan ang siya lamang makapagtataglay ng tunay na kapangyarihan.
Ykawalo. Ihanap mong pilit ang iyong bayan ng Republica, yaon baga ang lahat na namamahala ay palagay ng bayan, at huag isipin kailan man ang Monarquia, ang pagkakaroon baga ng hari; sa pagka’t ang hari ay walang binibigyan ng kamahalan kundi isa o ilang angkan lamang, upang maitayo niya ang kanyang sariling angkan na siyang pangagalingan ng lahat na maghahari; hindi ganito ang Republica na nagbibigay ng kamahalan at karapatan sa lahat palibhasa’y ang kabaitan ang pinaiiral, at ang baya’y nagiging dakila alang-alang sa kalayaan o kaluagan, at marilag at masagana gawa ng kasipagan.
Ykasiyam. Ibigin mo ang kapua mo tawo paris ng pag-ibig mo sa iyong sarili, sa pagka’t siya’y binigyan ng Dios, at ikaw ay ganon din naman, ng katungkulang tulungan ka at huag niyang gawin asa iyo ang di niya ibig na gawin mo sa kaniya; nguni’t kapag ang kapua mo tawo ay nagkukulang dito sa kamahalmahalang katungkulan at pinagtatangkaang lipulin ang iyong buhay at kalayaan at pag-aari, ay dapat mo naming ibual at lipulin siya, pagka’t ang mananaig ay ang kaunaunahang utos ng Dios, mag-ingat ka at iningatan kita.
Ykapuo. Palalaloin ng kaonti sa loob mo ang iyong kababayan sa iyong kapua tawo; aariin mong palagi siya na parang isang katoto, kapatid kaya o kasama man lamang, palibhasa’y iisa ang inyong kapalaran, iisa din ang inyong tuwa at kapighatian at magkakaayon din naman ang inyong mga hinahangad at pag-aari.
Kaya habang di pa napapaui ang mga patuto ng bawa’t bayan o kaharian, na itinayo at inaalagan ng mga lahi at angkang walang pinagsasakitan kundi ang kanilang sariling kaginhawahan, sa kanya lamang dapat kang makisama sa ganap na pakikipag-isa, tungkol sa hinahangad at pag-aari, upang magkalakas ka hindi lamang sa pakikilaban sa kaaway ng lahat, kundi naman ng maidaos ang lahat ng pinupunta ng kabuhayan ng tawo.
Unang tagobilin. Walang itinuro sa atin ang namahalang Kastila at ang mga paring religioso, kundi ang itaas natin sa isang balobalong langit ang ating mga mata at ang boo nating pag-iisip, upang bayaan natin sila sa pagtatamong mahinusay ng mga kagalingan dito sa lupa. Dahil dito’y hindi nila inibig na makakita at makabasa tayo ng mga librong magpapatalastas sa atin ng mga katotohanang ito, na kun maganap natin ay matatamong walang sala ang ating kaginhawahan sa buhay na ito at sa kabila ang ating kalualhatian at kabuhayang walang hangan.
Ykalawang tagubilin. Ang bayan ay hindi lamang ang provincia, hindi rin yaong bayang sakop ng provincia at hindi rin naman ang lugal na pinangangkan sa bawa’t isa. Ang lahat na provincia, ang lahat ng mga bayan at ang lahat na lugal na pinangangkan sa kangino mang taga Filipinas, kahit ano ang mga sinasampalataya niya at ano man ang wika, ito ang siyang tunay na bayan o Ynang bayan nating mga taga rito sa Kapuluan.
Sumulong sa Kadakilaan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
ano ang layunin ng akda
ReplyDelete