Emilio Jacinto (attrib.)
“Pahayag”
Source: Dimas Alan, “Pahayag”, translated into Spanish by
Juan Caro y Mora under the title “Manifiesto”in Wenceslao E. Retana (ed.),
Archivo del bibliofilo Filipino, vol. III (Madrid: Imprenta de la viuda de
M. Minuesa de los Rios, 1897), pp.138-44.
Introduction
“Pahayag,” the longest of the known contributions to Kalayaan, imagines a conversation between a patriotic youth and a shadowy apparition of Liberty, who regrets she has not visited the Islands for over three hundred years. The youth describes the sorrows of the Tagalog people, and beseeches Liberty to stay and help them be free.
Pio Valenzuela, in whose house Kalayaan was produced, recalled that in writing the piece Emilio Jacinto took inspiration from a book called Las Ruinas de Palmira.[1] This was a Spanish edition of Les Ruines, ou méditations sur les révolutions des empires by the French philosophe Constantin-François de Volney. Published in 1791, Volney’s work became a late Enlightenment classic, and in various translations remained influential throughout the 19th century. It made a great impression on Abraham Lincoln, and Andres Bonifacio reportedly had a personal copy that he donated to the Katipunan’s small library.[2]
Translations
Unfortunately, the original Tagalog text of “Pahayag” has never been located, not even a fragment or a draft, and historians who have summarised or discussed the piece have been obliged to rely on the Spanish translation published in 1897 by Wenceslao Retana, as cited above. So far as is known, the text has not previously been translated into English in its entirety, although extracts are to be found in several studies. The English translation in the right-hand column below is my own, but to some extent it is a collation and assemblage of four partial translations: (i) Epifanio de los Santos, “Emilio Jacinto”, Philippine Review, III:6 (June 1918), pp.419-20; (ii) Reynaldo Clemeña Ileto, Pasyon and Revolution: popular movements in the Philippines, 1840-1910 (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979), pp.109-13; (iii) Vicente L. Rafael, The Promise of the Foreign: nationalism and the technics of translation in the Philippines (Pasig City: Anvil, 2006), pp.185-90; and (iv) a translation of some sections of the text made many years ago by my father, Geoffrey Walter Richardson.
Beneath the parallel Spanish and English versions is Virgilio S. Almario’s retranslation of the text into Tagalog from Juan Caro y Mora’s Spanish. [From Virgilio S. Almario, Panitikan ng rebolusyon(g 1896) (Quezon City: University of the Philippines Press, 1997), pp.160-3.]
Retranslation into Tagalog from Juan Caro y Mora’s Spanish translation
Pahayag
Isa iyong gabing madilim.
Wala isa mang bituing nakatanglaw sa madilim na langit ng kagimbal-gimbal na gabing iyon.
Nakayukayok at sapupo ng dalawang palad ang mukha, naghihimutok ang isang kabataan.
Ang tahanang katatagpuan sa naturang kabataan ay natatanglawan ng isang tinghoy, na kukurap-kurap at ang liwanag ay nanganganib nang kusang panawan ng buhay.
Sa yugtong halos isuko na ng kabataan ang sarili sa matinding poot at sa pag-iisip na kahila-hilakbot at palagiang gumigiyagis sa kanyang puso, na waring nakabaon sa kaibuturan ngunit sapilitan nang ibinubulalas ng dibdib, sa yugtong ito niya naramdaman ang isang mabining haplos sa isa niyang balikat at naulinigan ang isang mahinang tinig, matamis at malungkot, na nag-uusisa:
"Bakit ka lumuluha? Anong kirot o dalita ang dumudurog sa iyong puso at yumuyurak at humahamak sa iyong kabataan at lakas?"
Nag-angat siya ng ulo at natigib sa panggigilalas: may kapiling siya at halos apat na hakbang ang lapit, at nabanaagan niya ang isang anino na waring nababalot ng maputing ulap ang kabuuan.
"Ay, mahabaging anino! Ang mga pighati ko'y walang lunas, walang katighawan. Maaaring kung isiwalat ko sa iyo ay sabihin mo o isipin mong walang anumang halaga. Bakit kailangan mong lumitaw ngayon upang antalahin ang aking paghibik?"
"Hanggang kailan," sagot ng anino, "ang kamangmangan at ang katunggakan ay magiging sanhi ng mga hirap at pasakit ng mga tao at ng mga bayan?
"Hanggang kailan kayo makasusunod magbangon pabalikwas sa kabulagan ng pag-unawa tungo sa tugatog ng katwiran at adhika? Hanggang kailan ninyo ako hindi makikilala at hanggang kailan kayo magtitiwalang umasa na kahit wala sa aking piling ay maaa-ring matamo ang tunay at wagas na ligaya tungo sa kapayapaan ng sangkalupaan."
"Sino ka samakatwid na nagmamay-ari ng kagila-gilalas na kapangyarihan at kahanga-hangang lumitaw at nag-aalay?"
"Ay, sa aba ko! Diyata't hindi mo pa ako nakikilala hanggang ngayon? Ngunit hindi ako magtataka, sapagkat mahigit nang tatlong daang taon magmula nang dalawin ko ang tinatahanan mong lupain at kusain ng iyong mga kababayan na sumampalataya sa mga huwad na idolo ng relihiyon at ng mga tao, ng mga kapwa mo nilikha, at kung kaya naglaho sa inyong mga gunita ang pagkakilala sa akin...
"Nais mo bang malaman kung sino ako? Kung gayo'y makinig: Ako ay ang simula ng mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona; nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang mga koronang ginto; nang dahil sa aking adhikain ay nabigo at namatay ang siga ng "Santa Inkisisyon" na ginamit ng mga prayle para busabusin ang libo at libong mamamayan; nang dahil sa adhikain ko'y napagkakaisa ang mga tao at kinalilumutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat; nang dahil sa akin ay natimawa ang mga alipin at nahango mula sa lusak ng pagkalugami at kalapastanganan; at napugto ang kayabangan at kayamuan ng kanilang mababangis na panginoon; kailangan ako sa bawat naisin at lasapin ng mga bayan at sa ilalim ng aking kalinga may ginhawa at biyaya at kasaganaan ang lahat, katulad ng idinulot ko sa Hapon, Amerika, at ibang pook; nang dahil sa akin ay umiimbulog ang diwa upang siyasatin at tuklasin ang mga hiwaga ng siyensiya; saan mang pinaghaharian ko ay napaparam ang mga pighati at nakasisinghap nang daglian ang dibdib na nalulunod sa pang-aalipin at kabangisan. Ang pangalan ko ay KALAYAAN."
Nagulilat at naumid ang kabataan pagkarinig nito at pagkaraan ng ilang saglit saka nakapangusap:
"Sapagkat ang mga kabutihan at biyaya mo ay walang kapantay, o kataas-taasang Kalayaan! papawiin ko ang pighati na nagpapabalong ng labis-labis na luha sa aking mga mata, na ang sanhi ay hindi naiiba sa mga pagdaralita ng aking lupang sinilangan. Kung mapagmamasdan mo ang mga alipusta, mga pangangailangan, mga kautusang dapat tiisin at pagdusahan ng aking bayan ay matitiyak na tutubuan ka ng awa at muling kakalingain sa iyong magiliw at di-mapag-imbot ngunit kinakailangang pangangalaga. Ay, ihihibik ng aking mga kapatid!
“'Ako,' sabi nila, 'ay nagugutom,' at siyang nagturo sa akin na pakainin ang nagugutom ay tumugon: 'Kainin ang mga labi at mga mumo sa aming masaganang mga piging, sa aming mariwasang hapag.'
"Sabi ng aking mga kapatid: 'Ako'y nauuhaw,' at siyang nagturo sa akin na painumin ang nauuhaw ay tumugon:
'Lagukin ang inyong mga luha at ang pawis, sapagkat dudulutan namin kayo ng sapat na kalinga nito.'
"Hibik ng aking mga kapatid: 'Wala akong damit, ganap akong hubad,' at siyang nag-utos sa amin na damitan ang hubad ay tumugon: 'Ngayon di'y babalutin ko ang buong katawan ng patong-patong na mga tanikala.'
"Sabi ng aking mga kapatid: 'Nahalay ang aking puri ng isang kura, ng isang Kastila, ng isang mariwasa, at ang hukom na matibay na haligi ng hustisya ay tumutugon: 'Ang taong iyan ay tulisan, isang bandido at isang masamang tao: ikulong sa piitan!'
"Sasabihin ng aking mga kapatid: 'Kaunting pag-ibig, kaunting awa at kaunting lingap,' at mabilisang tutugon ang mga may-kapangyarihan at pinunong makatwiran at mabuting loob kung mamahala: 'Ang taong iyan ay filibustero, isang kaaway ng Diyos at ng Inang Espanya: Dalhin sa Iligan!'
"Pansinin at pagmasdang mabuti, KALAYAAN; pagmasdan at pansinin kung dapat magdamdam ang aking puso at kung may sanhi ang pagluha..."
"Dapat magdamdam at lumuha," tugon ni KALAYAAN sa himig na nangungutya at ginagagad ang mapaghimutok na paraan ng pagsasalita. "Lumuha! Lumuha ay dapat kung ang may sugat ay wala nang dugong maitigis, kung ang mga sukab ay wala nang buhay na maaaring putulin; kung tinatanggap nang ang kawalanghiyaan at katampalasanan sa pagbitay kina Padre Burgos, Gomez at Zamora, sa pagpapatapon kay Rizal, ay hindi nangangailangan ng makatwiran at maagap na paghihiganti, na maaaring mabuhay sa piling ng mga kaaway, at na may mga pagmamalabis na dapat pang ipagmakaawa ng katubusan. Lumuha sa sariling tahanan at sa katahimikan at kadiliman ng gabi ay hindi ko maunawaan. Hindi ito ang nararapat para sa isang kabataan... hindi ito ang nararapat."
"Ano ang nais, kung gayon, ano ang dapat gawin? Kaming mga Tagalog ay naugali na sa ganoon. Sapol pa sa sinapupunan ng aming ina ay naturuan na kaming magdusa at magtiis sa lahat ng uri ng mga gawain, upasala, at pagkadusta. Ano ang higit na nararapat naming gawin bukod sa lumuha? Wala na kundi ito ang naugalian ng aming pagkukusa."
"Hindi lahat ng naugalian ay mabuti," paliwanag ni KALAYAAN, "may masasamang kahiligan at ang mga ito'y dapat iwaksi lagi ng mga tao."
Ibig sanang tumutol ng kabataan, ngunit hindi pa niya matiyak ang sasabihin at walang maapuhap na ipangungusap. Sa gayon ay nagpatuloy si KALAYAAN sa pagpapaliwanag.
"Ang ipinahayag ko sa iyo ay ang katotohanan. Walang kautusan na maaaring magpabagsak dito, sapagkat hindi maaaring ang wasto at tuwid ay maging kalaban ng wasto at tuwid, maliban kung ito ay binaluktot. Samakatwid, makinigka. Noong sinaunang panahon, noong ang karuwagan at pagkaalipin ay hindi pa pumapalit sa magagandang kaugalian ng iyong mga ninuno, nasa lilim ko ang bayang Tagalog at nasa ilalim ng aking pangangalaga, at siya ay maligaya at sinisimsim ang simoy na nagdudulot sa kanya ng buhay at lakas ng katawan; tinatanglawan ng aking liwanag ang kanyang pag-iisip at iginagalang siya ng mga kalapit bayan. Ngunit isang araw, na dapat ikarimarim at isumpa, dumating ang Pang-aalipin at nagpakilalang siya ang kagalingan, ang katwiran, at ang karampatan, at nangakong luwalhati sa lahat ng sasampalataya sa kanya.
"Dumating man siyang nakabihis ng balatkayo ng kagandahan at kabutihan, at mapayapa at magiliw sa kanyang mga paggalaw at pagkilos, ay nakilala ko kung sino siya. Nabatid kong ang kaligayahan ng bayan ay nagwakas na; na ganap nang napako sa kanya ang kapuspalad na bayan... at inalayan siya ng iyong mga kapatid ng papuri at halos pagsamba... at ako ay nakalimutan at halos itakwil nang may pagkamuhi at... Umabot sa akin ang iyong mga hinagpis at natigib ako sa labis-labis na dalamhati at iyon ang dahilan ng aking pagparito. Ngayo'y dapat na akong umalis kaya't paalam na."
"Huwag muna, Kalayaan," pakiusap ng kabataan nang makita siyang tumalikod at nakahandang lumisan. "Pagbigyan mo muna ako ng kaunting panahon. Naipaliwanag mo ang mga malubhang pagmamalabis na pinagdusahan at tiniis ng aking bayan, hindi mo ba sila maaaring kahabagan at ibalik sa iyong pangangalaga?"
"Unawain akong mabuti, bagama't hindi mo nababanggit, walang ibang naririnig ang aking tainga at walang ibang nakikita ang aking mga mata, sapagkat iisa ang pinagbubuhusan at dinaramdam ng aking puso at kung kaya maagap akong dumadamay at humahanap sa mga naaapi at tuwing may naririnig na dumaraing.
Ngunit walang tao na karapat-dapat sa aking pangangalaga at kalinga kung hindi siya pumipintuho sa akin at umiibig sa akin, at kung wala siyang kakayahang mamatay para sa aking adhika. Maaari mo itong ipahayag sa iyong mga kababayan o katinubuang lupa."
Halos katatapos wikain ito, noon lumamlam ang sinag ng tinghoy, na pakurap-kurap ang ningas dahil sa kawalan ng langis...
Kinaumagahan, nang pawiin ng kaliwanagan ng araw ang mga lagim at karimlan ng gabi, may bagay na kumikislap sa mga mata ng kabataan na mistulang isang nagbabagang adhika.
DIMAS ALAN
NOTES
[1] Pio Valenzuela, “Memoirs” (translated by Luis Serrano from an unpublished manuscript in Tagalog (c.1914) and reproduced as Appendix A in Minutes of the Katipunan (Manila: National Heroes Commission, 1964), p.106.
[2] Epifanio de los Santos, “Andrés Bonifacio”, Revista Filipina, II:11 (November 1917), p.61.
Pare, you saved my life! Kailangan ko talaga ito :D Salamat.
ReplyDelete