Sumulong sa Kadakilaan

Thursday, July 16, 2009

Ang Kartilya ng Katipunan

ANG KARTILYA NG KATIPUNAN
Emilio Jacinto

1. Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi man damong makamandag.

2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.

3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang Katuwiran.

4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.

5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa puri.

6. Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.

8. Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin, ang umaapi.

9. Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

10. Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.

11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan at alalahanin ang inang pinagbuhata’t nag-iwi sa iyong kasanggulan.

12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

13. Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagka-paring kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi sariling wika; yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

14. Paglaganap ng mga aral na ito at maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkalahi't magkakapatid ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang natumbasan.

Inilagay ng Utak ng Katipunan ang mga aral ng kapatiran sa mga makapangyarihang salitang ito.

2 comments: